Ang swerte swerte ko talaga.
Paulit ulit yan sa utak ko bago matulog. Bago kitain ang tropa para lumarga. Habang nakikipaglaro sa mga pamangkin ko. Pag naglalakad mag-isa pauwi. Di nauubusan ng problema pero parang di rin nauubusan ng blessings. Nakakatuwa. Nakakaiyak. Kasi madalas pakiramdam ko hindi ko naman deserved. Pero sige tanggap lang ng tanggap. Tanga lang ang tatanggi diba.
Nageedit ako ng mga pictures ng barkada ko kani-kanina lang. Nangawit ako sa kakangiti. Ultimo candid shots panalo. Nakakatanggal ng lungkot. Oo lungkot. Ewan ko ba, sinisisi ko na lang sa pills na yan kung bakit parang may roller coaster na walang tigil ang ikot sa dibdib ko lately. Lecheng yan. Hindi na kinaya ng Lord of the Rings marathon, o ng daily crosswords. Ni hindi ko nga matapos tapos yung novel na binabasa ko. Hindi mapirmi ang utak ko. Nakakainis. Isisi uli natin sa pills. Kaya ayan, kailangan uli ng therapy. Kailangan uli balikan ang sandamukal na litrato mula sa pinakabonggang outing hanggang sa pinakawalang katuturan. Kailangan uli ipaalala sa sarili na wala akong karapatang mag-emote. Wala akong karapatang sabihin na hindi ako pinagpala. Wala naman sa dictionary ko ang salitang self-pity. Ewan ko ba bakit nagpupumilit pumasok. Kupal yan. Diyan ka sa labas. Matuto ka nga magbasa. No entry.
Ilang tulog na lang may manganganak na. Unang baby ng barkada. Nakikinita ko na, todo duty na naman ako. Kukunan lahat, mega pose habang buhat si baby. At shempre, walang puknat ang tawanan habang pahirapan singilin ang mga natalo sa pustahan. Sa mga moments na yun, ramdam ko na parang walang nagbago. Parang hindi umusad ang mga taon. Parang kami pa rin yung mga pasaway na nagaantayan sa Batibot mahigit isang dekada na ang nakaraan. Ansarap ng feeling.
Ang swerte swerte ko talaga.
